Barangay Hall sa Bulacan niratrat: 3 patay!
MEYCAUAYAN CITY, Bulacan, Philippines — Tatlo katao ang kumpirmadong patay habang isa ang sugatan matapos na umatake ang dalawang armado at paulanan ng bala ang isang barangay hall, dito sa lungsod, kamakalawa ng gabi.
Ayon kay P/Col. Relly Arnedo, Bulacan police Director, nangyari ang insidente dakong alas- 8:10 ng gabi sa mismong barangay hall ng Brgy. Bahay Pare.
Nakatanggap ng tawag ang istasyon ng pulis-Meycauayan mula sa mga taga-Brgy. Hall ng Bahay Pare na may nagaganap na barilan sa kanilang lugar.
Nang rumesponde ang mga pulis, naabutan nila ang dalawang suspek na pinauulanan ng bala ang mismong barangay hall.
Nang makita ng dalawang suspek na ang isa ay nakilalang si Jerome Almorasa y Ballares, ang mga rumespondeng pulis ay agad nilang pinaputukan na nagbunsod ng engkuwentro.
Napatay ng mga pulis ang dalawang suspek habang minalas na napuruhan ng bala ang isang barangay tanod na nakilalang si Rodolfo Santiago na kanyang ikinasawi, habang nasugatan ang isang Marvin Rivera na nilalapatan na ng lunas sa pagamutan.
Ayon kay Isagani Bargola Jr., tanod ng Brgy. Bahay Pare at testigo sa naganap na barilan, bigla na lamang umanong pinagbabaril ng dalawang suspek ang nasabing barangay hall sa hindi malamang dahilan.
Narekober ng mga pulis sa pinangyarihan ng insidente ang dalawang Cal .45 pistol at dalawang magazine.
Inaalam pa ng mga awtoridad ang motibo sa pamamaril ng dalawang suspek sa nasabing barangay hall.
- Latest