Patay sa landslide sa Davao de Oro, 15 na – NDRRMC
MANILA, Philippines — Pumalo na sa 15 katao ang nasawi sa landslide sa Monkayo, Davao de Oro sanhi ng malalakas na pagbuhos ng ulan na dala ng shearline, ayon sa pinakahuling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Linggo ng hapon.
“A total of 15 dead, five injured, and zero missing persons were reported, where eight are validated,” pahayag ng NDRRMC.
Sinabi ni NDRRMC Executive Director Usec. Ariel Nepomuceno na ang landslide ay nakaapekto sa 83,174 pamilya o kabuuang 349,236 katao sa lugar.
Sa nasabing bilang, nasa 3,664 pamilya o katumbas na 11,797 indibidwal ang kasalukuyang kinukupkop sa 60 evacuation centers habang ang 844 pamilya na may 3,651 kataong miyembro ay nanuluyan sa kanilang mga kaibigan at kamag-anak sa mga ligtas na lugar.
Naitala naman sa 27 kalsada sa lalawigan ang apektado kung saan 11 dito ang apat na tulay ang hindi pa madaanan ng mga behikulo.
Pitong lungsod at ilang munisipalidad ang nakararanas ng brownout at dalawa pa lamang dito ang naibalik ang supply ng kuryente.
Sa hiwalay na ulat ni OCD Region 11 Director Ednar Dayanghirang, kabilang sa mga nasawi sa Davao region ay 10 sa Brgy. Mt. Diwata sa Monkayo, Davao de Oro; dalawa sa Davao City at isa sa Maragusan, Davao de Oro.
Naitala naman sa P57 milyon ang iniwang pinsala sa agrikultura habang nasa 40 kabahayan ang napinsala ang flashfloods at landslides.
Ang Davao del Norte at lima pang mga munisipalidad sa Davao Region ang nagdeklara na ng state of calamity bunga ng matinding pinsala sa flashflood at landslides.
- Latest