Acting barangay chairman, itinumba sa Laguna
CALAMBA CITY, Laguna, Philippines — Patay ang isang acting barangay chairman na tumanggap ng mga death threats matapos pagbabarilin ng riding-in-tandem sa tapat ng gate ng kanyang bahay sa Barangay Canlubang, dito sa lungsod, kahapon ng umaga.
Sa ulat ng Calamba Police, ang biktima na kinilalang si Mario Jun Cogay, 63-anyos, officer-in-charge ng Barangay Canlubang ay nasawi habang dinadala sa Global Care Medical Center of Canlubang dahil sa maraming tama ng bala sa dibdib.
Ayon sa apo ni Cogay, nasa loob ng balkonahe ng kanyang bahay ang kanyang lolo at umiinom ng kape nang mapansin nito na napuno at umaapaw na ng tubig ang kanilang timba, sanhi upang pumunta siya sa harapan ng kanilang gate para isara ang faucet.
Gayunman, sinabi pa ng apo na dalawang hindi kilalang salarin ang biglang dumating sakay ng motorsiklo at nang makita si Cogay ay agad na nilapitan ng isa sa mga suspek na may dalang 9mm na baril habang ang isa ay nagsilbing lookout.
Agad na pinagbabaril nang malapitan ng isa sa mga suspek ang biktima at nang makitang tumumba ay mabilis na sumakay ang dalawa sa motorsiklo at tumakas patungong Asia 1, Canlubang.
Ilang saglit ay binalikan pa umano ng mga suspek ang biktima at pinaulanan ng bala.
Sa pagsisiyasat, nakarinig ang mga residente ng anim na putok ng baril malapit sa bahay ni Cogay bandang alas- 5:30 ng umaga hanggang sa madiskubre ang biktima ng kanyang mga kaanak na nakahandusay at duguan sa may gate ng bahay nito.
Sinabi pa ng mga kamag-anak na si Cogay ay nakatanggap ng mga pagbabanta sa kanyang buhay matapos siyang maitalaga bilang acting barangay chairman ng Barangay Canlubang.
Ayon kay Lt. Col. Arnel Pagulayan, deputy provincial director for operation, bumuo na sila ng special investigation team sa ilalim ng EGO (Elected Government Official) program na siyang tututok sa kaso ni Cogay.
Sinabi ni Pagulayan na kasalukuyan na silang nagsasagawa ng crime mapping at back-tracking investigation sa pinangyarihan ng krimen.
Hindi aniya tukoy ng pulisya ang motibo sa krimen subalit tinitingnan na ng mga imbestigador ang lahat ng anggulo kabilang ang “pulitika”.
Napag-alaman na si Cogay ang number one barangay councilman sa katatapos na Barangay election.
Gayunman, si Cogay kasama ang barangay chairman na si Larry Dimayuga at tatlo pang kagawad ay hindi iprinoklama ng Comelec dahil sa nakabinbing disqualification cases.
Dahil dito, ang ikalawang konsehal ng barangay ang itinalagang OIC hanggang maklaro na si Cogay sa disqualification case at naproklama bilang OIC barangay chairman ng Canlubang.
- Latest