Caviteña na kahera sa Amerika, binigyang parangal
CAVITE, Philippines — Ginawaran ng award ang isang Filipina sa Amerika dahil sa kaniyang nakabibilib na dedikasyon sa trabaho bilang isang cashier.
Ang 54-anyos na si Grace Cuello De Guzman na tubong Brgy. Bagbag I, Rosario, Cavite ay ang kauna-unahang Pilipinong nakatanggap ng Outstanding Customer Award, na kinikilala ang mga natatanging manggagawa sa Grove City Countymarket sa Grove City, Pennsylvania.
Ang award na ito ay iginawad kay De Guzman nitong Enero 18, 2024 matapos na mapigilan at matulungan ang isang matandang babae na magpapadala sana ng 5,000 US Dollar sa isang hindi kilalang lalaki na sa huli ay isa pa lang scammer.
Laganap sa Amerika ang iba’t ibang panloloko sa mga elderly na madalas napapabalita sa mga TV at radio news program.
Nabatid na sa loob mismo ng kanyang pinagtatrabahuhang kumpanya naganap ang tangkang panloloko. Ilang beses nang bumalik ang matandang babae upang magpasalamat sa Pinay cashier kung saan binigyan pa nito ng giftcard ang Caviteña.
“Sabi ko hindi na niya kailangan na bigyan ako ng kahit ano. Ang importante ay natulungan ko sya. Niyakap niya ako ng mahigpit na may luha dulot ng saya,” kuwento ng Pinay cashier.
May 37 taon nang naninirahan ang nasabing Pinay sa Amerika at may mensahe sa mga kapwa Pinoy na nagtatrabaho sa ibang bansa na --”Kahit anong trabaho ang papasukin natin ay maging tapat, matulungin at wag kalimutan ang pakikisama. At higit sa lahat, wag kakalimutang magpasalamat kay Lord.”
Bukod rito, binigyan din si De Guzman ng kanyang employer ng 2-minutong pagkakataon upang humakot at mamili ng anumang produkto nang libre.
- Latest