Dinagyang Festival sa Iloilo, arangkada na
MANILA, Philippines — Handa na ang lungsod ng Iloilo na muling ipakitang-gilas sa buong mundo ang kanilang kultura, talento, at pananampalataya sa inaabangang pinaka-highlight ng pagdiriwang ng Dinagyang Festival 2024.
Opisyal na nagbukas ang Dinagyang noong Enero 12 at gaganapin ang highlight nito sa Enero 27 hanggang 28.
Iniimbatahan naman ni City Mayor Jerry P. Treñas ang lahat na bumisita sa Iloilo lalo na ang hindi pa nakakaranas na mag-Dinagyang.
Bilang Best Tourism Event ng bansa, malaki ang ambag ng Dinagyang Festival upang lalong makilala ang lungsod ng Iloilo bilang tourism destination.
Ngayong taon, walong paaralan sa lungsod ang maglalaban-laban sa main tribe competition sa Enero 28 ng umaga. Bago ang competition, isang concelebrated High Mass sa San Jose Parish Placer ang gaganapin alas-sais ng umaga.
Sa “Kasadyahan sa mga Kabanwahanan Festival” naman sa Enero 27, nasa 9 na festival mula sa iba’t ibang bayan ng Iloilo ang mag-aagawan para sa unang puwesto.
Samantala, sa Enero 26 sa Dinagyang ILOmination Streetdance Competition at Floats Parade of Lights, pitong tribu mula sa bawat distrito ng lungsod ang maglalaban-laban. Gaganapin ito sa new business district sa Ayala-SM-Megaworld area sa distrito ng Mandurriao.
Magkakaroon din ng pagkakataon ang publiko na makisayaw at makipag-litrato bilang souvenir kasama ang Dinagyang warriors sa gaganapin na Sadsad sa Calle Real sa Enero 27 mula alas-2 ng hapon sa downtown area ng City Proper.
Isa pang major event na dinadagsa lalo ng mga deboto sa Dinagyang ay ang Grand Religious Sadsad sa Enero 27, 2024, alas-siete ng gabi sa San Jose Parish Placer.
Kumpirmadong dadalo sa Dinagyang ang matataas na opisyales na sina H.E. Andres Michael Pfaffernoschke, Ambassador ng Embassy of Germany; H.E. Dato’ Aboul Malik Melvin Castelino, Ambassador ng Embassy of Malaysia; Richard Young Ybañez, president, Iloilo International Association; Evan P. Garcia, Ambassador ng Embassy of Norway; mga senador na sina Risa Hontiveros, Bong Revilla, Lito Lapid, Bong Go, at Joel Villanueva; at ilang congressman ng bansa.
- Latest