Higit 2K katao lumikas sa flashflood sa Davao Region
MANILA, Philippines — Umaabot sa mahigit 2,000 katao ang naapektuhan sa flashflood sa mga malalakas na pag-ulan na dulot ng shear line sa Davao Region, ayon sa National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) nitong Miyerkules.
Ayon kay NDRRMC Spokesperson Director Edgar Posadas, kabilang sa mga naapektuhan ng mga pagbaha ay 14 barangay mula sa mga lalawigan ng Davao de Oro, Davao Occidental at Davao Oriental.
Sinabi ni Posadas na nasa kabuuang 552 pamilya o katumbas na 2,120 katao na naninirahan sa nabanggit na mga lugar ang naapektuhan ng mga pagbaha dulot ng shearline.
Sa nasabing bilang, nasa 446 pamilya o kabuuang 1,800 indibidwal ang nanunuluyan sa pitong evacuation centers samantalang ang iba ay nanuluyan sa kanilang mga kamag-anak at mga kaibigan sa mga matataas na lugar.
Ang matitinding pagbaha ay naiulat sa 9 na lugar sa Davao de Oro at dalawa sa Davao del Norte habang nagkaroon naman ng landslides sa Davao de Oro.
Sa kasalukuyan, wala pang naiulat na nasawi at nasugatan sa mga pagbaha dulot ng shearline, ayon pa sa opisyal.
Patuloy ang pamamahagi ng relief goods ng lokal na pamahalaan sa mga naapektuhang pamilya.
- Latest