Aircraft mechanic nagbenta ng baril, timbog
LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Kalaboso ang isang aircraft mechanic na dumayo pa upang magbenta ng baril sa Chili-inn motel sa Brgy. 22 Binanuahan, dito sa lungsod, iniulat ng pulisya kahapon..
Sinampahan na ng kasong paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) at karagdagang kasong RA 9165 dahil sa nakuha pang droga sa suspek na kinilalang si Rudy Dan, 30-anyos, binata, kawani ng GSE Cebu Pacific Air, at residente ng Brgy. Tabuk, Danao City.
Sa ulat, nakipagtransaksyon ang suspek sa poseur buyer na pulis hinggil sa ibinebenta nitong baril.
Dakong ala-1:55 ng hapon nitong Biyernes, magkatuwang na inilatag ng mga tauhan ng Albay Police Provincial Office, Provincial Intelligence Unit at Legazpi City Police Station ang gun buy-bust operation laban sa suspek na naka-check in sa naturang motel.
Nang iabot ng suspek sa poseur buyer ang ibinebentang baril at tanggapin ang boodle money na gamit sa buy-bust ay agad na pumasok sa kuwarto nito ang mga operatiba saka siya inaresto.
Narekober sa suspek ang isang Smith and Wesson caliber 357 Magnum na baril na may anim na bala at isang sachet ng pinaniniwalaang shabu.
- Latest