Cotabato City, may anti-child labor group na
COTABATO CITY, Philippines — Nagpahayag ng suporta ang ilang mambabatas sa grupong itinatag nitong Biyernes upang isulong dito sa lungsod ang isang foreign-assisted na programang anti-child labor at paggamit ng kabataan bilang mga “mandirigma”.
Sa kanilang hiwalay na pahayag nitong Linggo, ipinaabot sa naturang grupo nina Cotabato City Vice Mayor Johari Abu at ng tatlong kasapi ng Bangsamoro regional parliament, ang mga abogadong sina Paisalin Tago at Nabil Tan at physician-ophthalmologist na si Kadil Monera Sinolinding, Jr. ang kanilang suporta sa pagsulong nito ng mga programang naglalayong masawata na sa lungsod ang child labor, o paggamit ng kabataan bilang manggagawa.
Ang bagong organisang grupong magpapalaganap dito sa Cotabato City ng “Supporting Children’s Rights through Education, the Arts and the Media” o SCREAM project, ay kinabibilangan ng 30 na kawani ng Cotabato City Schools Division na sakop ng Bangsamoro Education Ministry, at mga kinatawan ng tanggapan ni Regional Labor and Employment Minister Muslimin Sema.
Inilunsad ang naturang grupo nitong Biyernes matapos ang tatlong araw na anti-child labor workshop ng 30 na kasapi nito na magkatuwang na isinagawa ng International Labour Organization ng United Nations, ng labor at education ministries ng Bangsamoro regional government, ng pamahalaan ng Japan at ng Integrated Resource Development for Tri-People.
Ayon kina Tago, Tan at Sinolinding, handa silang magpanukala ng mga batas sa Bangsamoro parliament na makakasugpo ng child labor. Si Abu, presiding chairperson ng Cotabato City Sangguniang Panglungsod, ay nagpahayag din na maari siyang magrekomenda ng mga ordinansang makakapalawig ng naturang kampanya sa mga barangay na sakop ng city government.
- Latest