Barangay chairman sa Zamboanga del Sur, itinumba!
COTABATO CITY, Philippines — Napatay sa pamamaril ang chairman ng Barangay Benuatan sa Dinas, Zamboanga del Sur sa labas ng kanilang tahanan habang patungo sana isang mosque para sa tradisyonal na pagsamba, ayon sa relihiyong Islam nitong umaga ng Biyernes.
Sa ulat nitong Sabado ng Dinas Municipal Police Station, agad na pumanaw sa mga tama ng bala ang biktima na kinilalang si Modem Abu, nahalal na chairman ng Benuatan nito lang Oktubre 30, 2023 sa synchronized Barangay at Sangguniang Kabataan elections.
Sa imbestigasyon ng pulisya, nilapitan si Abu ng isang kotseng Toyota Vios na kulay dark gray at may plakang KAP 5330, saka pinagbabaril ng mga sakay nitong lalaki at mabilis na tumakas nang makitang natumba na sa gilid ng kalye ang biktima sanhi ng tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.
Natagpuan naman ng mga kasapi ng Dinas Municipal Police Station at iba pang rumespodeng pulis mula sa iba’t ibang unit ng Zamboanga del Sur Provincial Police Office ang kotse ng mga pumatay kay Abu, na inabandona sa isang coconut plantation sa Purok 3 sa Barangay Bubual, hindi kalayuang bayan ng San Pablo na sakop din ng naturang probinsya.
- Latest