Estudyanteng PWD, kinatay ng pinsang 14-anyos!
DARAGA, Albay, Philippines — Karumal-dumal na kamatayan ang sinapit ng isang person with disability (PWD) na estudyante matapos pagsasaksakin sa leeg ng kanyang sariling pinsang 14-anyos sa tabi ng sapa sa Purok-5, Brgy. Anislag, Daraga, Albay kamakalawa ng tanghali.
Patay at duguan nang matagpuan ng mga kaanak habang nakadapa sa tabi ng sapa ang biktima na kinilala ng mga pulis na si “John Ben”, Grade-9 student ng Anislag National High School, residente ng naturang lugar.
Sumuko naman ang 14-anyos na suspek at umamin umano sa mga imbestigador sa ginawang pagpatay sa kanyang pinsan pero hindi sinabi kong ano ang nagbunsod sa kanya upang isagawa ang krimen.
Sa ulat ng Daraga Police, huling nakita bandang tanghali ang nasabing magpinsan habang magkasamang naglalakad sa lugar. Gayunman, gabi na ay hindi pa nakakauwi ang biktima na ipinag-alala ng kanyang pamilya.
Dakong alas-10:40 ng gabi naman nang isang residente ang napadaan sa sapa at nagulat nang makitang patay na si John Ben at may mga tama ng saksak sa leeg.
Habang nasa proseso ng imbestigasyon ang mga pulis ay umamin umano ang menor-de-edad na suspek na siya ang pumaslang sa kanyang pinsan.
Dinala na ang suspek sa kustodiya ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) dahil sa pagiging minero habang inihahanda ang kaso laban sa kanya.
- Latest