Kagawad arestado sa raid, 3 baril nasamsam
CAMP NAKAR, Lucena City, Philippines — Inaresto ng pinagsanib na puwersa ng Quezon Provincial Intelligence Unit, Regional Intelligence Unit-4A, 1st Quezon Police Mobile Force Company at San Antonio Municipal Police ang isang incumbent barangay councilor matapos makumpiskahan ng tatlong hindi lisensyadong matataas na kalibre ng baril sa Barangay Callejon, San Antonio, Quezon kahapon ng madaling araw.
Kinasuhan na ng paglabag sa RA 10951 ang suspek na si Jacinto Gonzales, may sapat na taong gulang at residente sa nasabing bayan.
Isinagawa ng composite team na pinamumunuan ni PLt. Col. Joseph Macatangay ang pagsisilbi sa bahay ng suspek dakong alas-4:30 ng madaling araw ng search warrant na inisyu ni Judge Agripino Bravo, executive judge ng RTC Fourth Judicial Region, Lucena City.
Nakumpiska buhat sa pag-iingat ng barangay kagawad ang isang caliber 38 super colt pistol, isang M2 caliber 30 carbine, isang CZ 85B caliber 9MM mga bala, magazines at kagamitan ng nasabing mga baril.
Ayon sa mga otoridad, matagal na nilang target ang suspek na ang mga baril na iniingatan nito ay ipinarerenta umano sa mga hired killers.
- Latest