Nawawalang eroplano sa Isabela, natagpuan na
MANILA, Philippines — Matapos ang limang araw na paghahanap ay nakita na rin kahapon ng umaga ang kinaroroonan ng nawawalang piper plane na pinaniniwalaang bumagsak sa kabundukan ng Sierra Madre sa lalawigan ng Isabela nitong Huwebes.
Sa ulat na nakarating kay Joshua Aggabao Hapinat, tagapagsalita ng Incident Management Team, kinumpirma sa kanya ni Capt. Vince Velasco, piloto ng P44 helicopter ng Philippine Air Force (PAF) na nagsagawa ng aerial search operation, na nakita nito ang wreckage ng piper plane sa kagubatan ng Sierra Madre na sa sakop ng Barangay Casala, sa bayan ng San Mariano dakong alas-8:00 ng umaga.
Ayon kay Hapinat, ang piper plane na may tail/registry number RP C-1234 na nawala simula noong Nobyembre 30 ay naispatan sa bulubunduking bahagi ng Isabela province.
Gayunman, hindi pa masabi kung ano ang kalagayan ng piloto at pasahero nito matapos na hindi makalapit ang PAF Sokol Helicopter sa crash site.
Ang piper plane ay unang inulat na umalis mula sa Cauayan Airport sa Isabela dakong alas-9:39 ng umaga nitong Nob. 30 at inasahang lalapag sana sa Palanan Airport sa Isabela bandang alas-10:23 ng umaga ng nasabi ring araw, pero hindi na nakarating doon.
Nabatid na lulan ng naturang piper plane na pag-aari ng Fliteline Airways at ino-operate ng Cyclone Airways, sina Captain Levy N. Abul II, piloto at kanyang pasaherong si Erma Escalante.
Ayon sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), ang operations center ng Philippine Aeronautical Rescue Coordination Centre (PARCC) sa Cauayan Tower ay nakatanggap ng distress message mula sa code word “Detresfa” ng alas-11:08 noong Nob. 30. Ang huling posisyon base sa Flight Radar 24’s latest recorded blip ay tinatayang nasa 29.09 nautical miles east ng Cauayan Airport.
Ayon naman kay CAAP spokesperson Eric Apolonio, hindi pa nila makumpirma kung ang natagpuang eroplano ay ang nawawalang piper plane hangga’t hindi pa nakararating sa mismong crash site ang mga CAAP Aircraft Accident and Inquiry Board investigators.
Muli namang bumalik ang Sokol chopper sa sinasabing lugar para subukang magbaba ng mga parajumper rescuers malapit sa crash site kung sakali na maganda ang panahon doon.
Umabot ng ilang araw ang paghahanap sa nawawalang light plane dahil isa sa nagpahirap sa mga kasapi ng aerial at ground search team ang hindi magandang lagay ng panahon simula pa noong bumagsak ang eroplano.
- Latest