Pinakamalakas na bagyo sa Kabikulan, ginunita ng survivors
LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Sa kabila ng 17-taon na ang nakalilipas matapos manalasa ang bagyong Reming sa Kabikulan pero ramdam pa rin ng maraming residente ang takot at sakit nang pagkawala ng kanilang mga kamag-anak at mahal sa buhay na nasawi dahil sa itinuturing na pinakamalakas na bagyo sa kasaysayan ng rehiyon.
Kahapon, sa pangunguna ng ilang city councilors ng Legazpi, barangay officials at Ako Bicol Partylist sa pangunguna ni Cong. Elizaldy Co ay sama-samang ginunita ng mga “survivors” at dating residente ng Brgy. Padang ang pait na dinanas mula sa naturang bagyo na tumama noong Nobyembre 30, 2006.
Sa Brgy. Padang ang may naitalang pinakamaraming nasawi dahil sa pagragasa ng lahar, pyroclastic material lalo na mga higanteng bato mula sa bulkang Mayon na tumabon sa halos karamihan ng mga kabahayan. Tinatayang higit 650-katao ang nasawi at marami ang hindi na natagpuan sa kalamidad.
Ayon kay Floriconia Añonuevo, 70-anyos, ng Purok-1, ng naturang barangay, kahit maraming taon na ang nakalilipas at nakatira na sila sa ligtas na lugar ng resettlement area sa Brgy.Taysan ay naroon pa rin ang kanyang takot sa tuwing may anunsyo ng bagyo.
Lima sa miyembro ng kanyang pamilya ang hindi na natagpuan habang ang kanyang dalagitang anak ay narekober dalawang araw matapos ang bagyo sa katabing bayan ng Sto. Domingo.
Lahat naman ng dumalo ay tumanggap ng food packs lalo na ang bigas at iba pang pangangailangan.
Sa pahayag ni Cong. Co, dahil sa pananalasa ng Reming, kaya itinatag ang Ako Bicol Partylist na nangakong ibubuhos nito ang tulong at proyekto sa lahat ng mga Bicolano.
- Latest