Nagsarang mga iskul sa GenSan dahil sa lindol, muling bubuksan
GENERAL SANTOS CITY, Philippines — Muling bubuksan ang lahat ng paaralan dito sa lungsod sa Miyerkules na ipinasara ni Mayor Lorelie Pacquiao matapos yanigin ng 6.8 magnitude na lindol ang lungsod at mga karatig probinsya sa Central Mindanao.
Sa mga hiwalay na ulat nitong Lunes, kinumpirma ng Police Regional Office-12, ng General Santos City Disaster Risk Reduction and Management Office at ng Office of Civil Defense-12 na walo katao ang nasawi sa lindol nitong Biyernes, pinakamalakas na naramdaman dito sa lungsod at karatig na probinsya ng Sarangani.
Ang mga nasawi ay nadaganan ng mga sementong nagkabitak-bitak mula sa mga istrukturang sinira ng lindol. Tatlo sa kanila ay nasawi dito sa lungsod habang lima naman ay pumanaw sanhi ng mga katulad na kaganapan sa mga bayan ng Glan at Malapatan sa Sarangani.
Ayon sa OCD-12, aabot sa 641 na mga bahay dito sa General Santos City at sa ilang mga bayan sa Sarangani ang nasira sanhi ng lindol nitong Biyernes.
Sa Koronadal City, pansamantalang ipinasara ni Mayor Eliordo Ogena ang mga paaralan upang masiyasat muna ng City Engineer’s Office ang epekto ng lindol sa mga silid-aralan sa lahat ng school campus sa mga barangay na sakop ng lungsod.
- Latest