Peace monument ng 6th ID, itinayo na
CAMP SIONGCO, Maguindanao del Norte, Philippines — Pinasinayaan kahapon ang isang kakaibang peace monument na itinayo ng mga sundalo na gawa sa 3,000 na mga assault rifles at rocket launchers na isinuko ng mga kasapi ng mga lokal na mga grupong terorista nitong nakalipas na apat na taon.
Pinangunahan nina Secretary Carlito Galvez, Jr. ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity at Armed Forces chief of staff Lt. Gen. Romeo Brawner, Jr. ang ginawang inagurasyon ng peace monument na isang malaking replica ng M16 assault rifle na itinayo ng mga sundalo ng 6th Infantry Division sa tabi ng entrance gate ng kanilang headquarters dito.
Ang peace monument ay nabuo gamit ang mga pinira-pirasong mga iba’t ibat uri ng 3,000 na mga assault rifles, rocket launchers, mortars at machineguns ng dating mga kasapi ng Dawlah Islamiya at ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters na sumuko na at nagbagong buhay sa pakiusap ng mga opisyal ng 6th ID at ng mga units na sakop nito.
Sinabi ni Galvez sa paglunsad ng peace monument na nagagalak siyang naging produktibo ang inisyatibo ng 6th ID, sa pamumuno ni Major Gen. Alex Rillera, sa paghikayat sa maraming mga lokal na teroristang sumuko na at magbagong buhay.
Ilan sa mga assault rifles na ginamit sa pagbuo ng kakaibang peace monument ay mula sa mga miyembro ng New People’s Army na namumuhay na ng tahimik sa mga bayan sa Central Mindanao na sakop ng 6th ID.
Ayon kay Brawner, dapat ding pasalamatan ang mga local executives sa iba’t ibang bayan sa Central Mindanao na patuloy na sumusuporta sa mga programa ng 6th ID na naglalayong mapasuko na ang mga natitira pang mga miyembro ng teroristang grupong Dawlah Islamiya at BIFF.
- Latest