6.3 magnitude lindol, tumama sa Cagayan
MANILA, Philippines — Niyugyog ng 6.3 magnitude na lindol ang Calayan, Cagayan sanhi ng pagkasugat ng dalawang menor-de-edad nang mabagsakan ng gumuhong konkretong pader nitong Martes ng gabi.
Nabatid na nasa 12 at 13-anyos ang dalawang sugatan habang inaasahan ang pinsala pa sa mga gusali dulot ng malakas na lindol sa Cagayan na naramdaman sa mga kalapit na lalawigan.
Sinupinde na ni Mayor Jospeh Llopis ang klase kahapon sa Calayan upang maisagawa ang inspeksyon sa mga gusali ng paaralan matapos na mag-crack ang Calayan High School sa main builing nito.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), alas-7:03 ng gabi nang tumama ang lindol at ang sentro ng pagyanig ay naitala may 19 kilometro ng hilagang kanluran ng Dalupiri Island sa Calayan, Cagayan.
Umaabot naman sa 31 kilometro ang lalim ng lupa ng naturang lindol.
Dulot nito, naramdaman ang lakas ng lindol sa Intensity 6 sa Calayan, Cagayan
at Intensity 5 sa Luna, Apayao; Bacarra, Bangui, Burgos, Dumalneg, Laoag City, Pagudpud, Paoay, Pasuquin, San Nicolas, at Vintar; pawang sa Ilocos Norte; at sa Aparri, Baggao, Camalaniugan, Claveria, Pamplona, Sanchez-Mira, Santa Ana, at Santa Praxedes sa Cagayan.
Intensity 4 naman sa Flora, at Santa Marcela, Apayao; Banna, Batac City, Carasi, Currimao, Dingras, Marcos, Pinili, Sarrat, at Solsona sa Ilocos Norte; Sinait, Ilocos Sur; at sa Abulug, Allacapan, Ballesteros, Buguey, Enrile, Gonzaga, Iguig, Lasam, Peñablanca, at Tuguegarao City sa Cagayan.
Intensity 3 sa Bucay, Lacub, Lagayan, at San Juan, Abra; Atok, at Kapangan, Benguet; Bauko, Besao, Natonin, at Sagada sa Mountain Province; Adams, Nueva Era, at Piddig, Ilocos Norte; Banayoyo, Bantay, Burgos, Cabugao, Caoayan, Lidlidda, San Emilio, San Esteban, San Ildefonso, San Juan, San Vicente, Santa Catalina, Santa Cruz, Santiago, Santo Domingo, Sigay, at Vigan City sa Ilocos Sur; Basco, Ivana, Mahatao, Sabtang, at
Uyugan sa Batanes; Solana, Cagayan; Tumauini, Isabela; Santo Domingo, Nueva Vizcaya. Intensity 2 naman ang Bangued, Dolores, La Paz, Luba, Peñarrubia, Pidigan, Sallapadan, San Quintin, Tayum, Tineg, at Tubo, ABRA; Kibungan, Benguet; Narvacan, Santa, at Santa Maria, Ilocos Sur; at sa Bacnotan at Balaoan, La Union; Ilagan City, Isabela habang Intensity I sa San Isidro, Abra; Candon City at Tagudin sa Ilocos Sur; at Aringay at San Fernando City sa La Union. Ayon sa Phivolcs, asahan na ang pinsala sa naganap na lindol at mga aftershocks. — Artemio A. Dmlao
- Latest