2 hepe ng pulisya, sinibak
LAGUNA, Philippines — Dalawang chief of police ang sinibak sa puwesto dahil sa kasong administratibo sa ilalim ng “doctrine of command responsibility” matapos na masangkot ang kanilang mga tauhan sa mga illegal na gawain sa San Pedro City, Laguna at Rodriquez, Rizal.
Sina Lt. Cols. Rolly Liegen, hepe ng San Pedro City Police Station at Ruben Piquero, hepe ng Rodriquez Police Station ay kapwa inalis sa puwesto at pinalitan nina Lt. Cols. Pablito Naganap at Arnulfo Selencio, kapwa Officer-in-Charge, ayon sa pagkakasunod.
Ang deputy chief ni Liegen na nagsisilbi ring team leader ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) at kanyang apat na tauhang pulis ay sinibak din sa puwesto.
Ang mga tinanggal ay inatasang isumite ang kanilang mga sarili sa Provincial Internal Affair Service para sa gagawing administrative investigation.
Ang pagsibak kay Liegen at limang iba pang police officers ay may kaugnayan sa drug operation sa San Pedro City noong Mayo 18 kung saan ang sinasabing drug suspect ay illegal umanong inaresto.
Iniutos din ni Brig. Gen. Carlito Gaces, Calabarzon police director, ang agarang pagsibak at pagsasampa ng kasong criminal at administratibo laban sa pulis na sangkot sa pamamaril ng dalawang sibilyan sa Southville 8B, Brgy. San Isidro, Rodriguez noong August 20, 2023.
Ang sangkot na pulis ay si Corporal Arnulfo Gabriel Sabillo 37; miyembro ng Rodriguez Municipal Police Station at nakatalaga sa COMPAC 5, at ang kasamang si Jeffrey Beluan Baguio, 27, ng Brgy San Jose, Rodriguez, Rizal.
Agad na sinibak si Sabillo sa puwesto at inisyuhan ng Automatic Leave of Absence Without Pay habang isinasagawa ang imbestigasyon laban sa kanya. Kinumpiska rin ang service firearm nito na kargado ng limang bala at nai-turnover na sa Rizal Provincial Forensic Unit para sa ballistic at gun powder examination.
Kinasuhan si Sabillo ng Homicide at Frustrated Homicide noong August 22 sa Rizal Provincial Prosecutor’s Office. Nakaditene ang dalawa ngayon sa Rodriguez Municipal Police Station Custodial Facility.
- Latest