Mayon evacuees, tumanggap ng 300 metriko-toneladang bigas mula sa Japan at asean
CAMALIG, Albay , Philippines — Laking tuwa at pasalamat ng lokal na pamahalaan ng Albay at ng 5,789 pamilyang evacuees sa patuloy na nag-aalborotong Bulkang Mayon matapos tanggapin kahapon ang 300 metriko-toneladang bigas bilang ayuda mula sa gobyerno ng Japan at Asean Plus Three Emergency Rice Reserve (APTERR).
Sa ginawang programa kahapon ng umaga sa Negosyo Auditorium-Albay Farmers Bounty Village sa bayang ito ay malugod na tinanggap ni Gov.Grex Lagman at ng mga alkalde ng mga apektadong bayan at lungsod ang 300-metriko toneladang bigas na nasa 10-libong sako mula sa bansang Japan at APTERR na pinangunahan ni Japan Embassy in the Philippines Minister for Economic Affairs Nihei Daisuke at APTERR Secretariat General Choomjet Karnjanakesorn at Japan Ministry of Agriculture, Forestry and Fisheries representative Akinori Ando.
Sa kanyang pahayag, sinabi ni Lagman na ang ayudang ipinadala ng Japan at ng naturang ahensya ay napakalaking tulong sa pangangailangan at ng pag-asa ng mga mamamayang apektado nang patuloy na pag-aalboroto ng bulkan. Nauna nang sinabi ng gobernador na kahit papaubos na ang pondong inilaan nila sa Mayon operation mula sa kanilang calamity fund ay hindi nila pababayaan ang mga evacuees at malaki ang pasasalamat nila dahil sa patuloy na pagdating ng mga ayuda mula sa iba’t ibang donors.
Ang naturang mga bigas ay paghahati-hatian ng pitong LGU mula sa mga bayan ng Daraga, Camalig, Guinobatan, Malilipot, Sto.Domingo at mga lungsod ng Tabaco at Ligao na apektado ng Mayon eruption.
- Latest