Cessna plane pa-Cagayan bumagsak: 2 patay!
MANILA, Philippines — Patay ang isang pilot instructor at kasamang Indian national matapos bumagsak ang kanilang sinasakyang Cessna 152 single engine plane habang patungong Tuguegarao City sa lalawigan ng Cagayan, kamakalawa.
Kinilala ni Cagayan Provincial Information Officer Rogelio Sending, Jr. ang mga lulan ng Cessna 152 na sina Capt. Edzel John Lumbao Tabuzo, piloto, ng San Juan City at ang kanyang Indian student pilot na si Anshum Rajkumar Konde.
Sa Facebook post ng Cagayan PIO kahapon ng hapon, kinumpirma ni Apayao Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer Jeoffrey Borromeo na natagpuan na nitong Miyerkules ang crash site ng Cessna 152 sa boundary ng Brgy. Salvacion, Luna at San Mariano Pudtol, Apayao, matapos mawala nitong Martes.
Natagpuan din ang dalawang sakay ng bumagsak na eroplano na sina Tabuzo at Konde pero kapwa umano wala nang buhay.
Nabatid na ang 2-seater plane na may body number RP-C8598 ay umalis mula sa Laoag International Airport sa Laoag City, Ilocos Norte bandang alas-12:16 ng hapon nitong Agosto 1, 2023 at inaasahan sanang lalapag ng alas-3:16 ng hapon ng nasabi ring araw sa destinasyon nito sa Tuguegarao City.
Sa ulat ng Office of the Civil Defense (OCD) Region II, dalawang aircrafts ang umalis sa Laoag City subalit isa lang sa kanila ang nakarating sa Tuguegarao ng ala-1:11 ng hapon nitong Martes.
Nauna rito, ang Cessna 152 ay huling namonitor, may 32 nautical miles sa bayan ng Alcala sa Cagayan bago ang pagkawala nito. Sinubukan na rin umanong kontakin ang cellphone at handheld radio ng piloto pero bigo itong makontak kaya nagsagawa na ng aerial search and rescue operations ang mga awtoridad.
Ang nasabing Cessna plane ay pagmamay-ari ng Echo Air International Aviation Academy Inc. - Butch Quejada Victor Martin
- Latest