Halos P150 milyong droga samsam; 10 timbog
Sa ‘Oplan Herodotus 3’ ng PNP
MANILA, Philippines — Nasa P149.2 milyon ang halaga ng shabu at marijuana na nakumpiska ng mga awtoridad habang arestado naman ang 10 ‘tulak’ sa isinagawang anti-illegal drugs operations ng mga awtoridad sa Benguet.
Kinilala ni PBrig. Gen. David Peredo Jr., hepe ng Police Regional Office-Cordillera ang mga nadakip na suspek na sina Reynato Soriano, 23; Hercules Verzola, 24; Froilan Ringor, 31; Billie Quinto, 31; Wilmer Lizardo, 33; Willyn Sendico, 28; Jaysie Liked, 32; Herceb Cadicoy, 44; Ritchie delos Reyes, at isang 17-anyos na binatilyo.
Ayon kay Peredo, nadiskubre ang mga illegal na droga simula Hulyo 16-23 sa 29 na operasyon ng “Oplan: Herodotus 3” ng mga awtoridad.
Ang Oplan Herodotus 3, na operasyon sa pagpuksa ng marijuana ay isinagawa ng magkasanib na operatiba ng PRO-Cordillera, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-Cordillera, at Philippine Drug Enforcement Group (PDEG).
Nasamsam sa mga suspek ang 693,615 fully grown marijuana plants, 35,560 marijuana seedlings, at 75,000 grams ng tuyong dahon at tangkay ng marijuana sa Kalinga at Benguet.
Nakuha naman sa 10 drug personalities ang 10.69 gramo ng shabu na may kabuuang presyo na P72,692 makaraan silang masabat sa Baguio City at sa mga lalawigan ng Benguet at Abra.
- Latest