Development plan ng R-12 para sa susunod na 5 taon, plantsado na
KORONADAL CITY, Philippines — Seguridad, kapayapaan, at kaunlaran ang mga pangunahing layunin ng bagong balangkas na 2023-2028 Soccsksargen Development Plan na inilunsad noong Huwebes ng Regional Development Council-12.
Sakop ng Soccsksargen ang mga probinsya ng Cotabato, South Cotabato, Sultan Kudarat, Sarangani at ang mga lungsod ng Kidapawan, Tacurong, Koronadal at General Santos na nasa teritoryo ng Administrative Region 12 kung saan maraming lugar ang nakabangon na sa epekto ng matagal na Moro rebellion at ng paghahasik ng kaguluhan ng New People’s Army na mas kilala ngayon bilang communist terrorist group o CTG.
Pinangunahan nina Cotabato Gov. Emmylou Taliño Mendoza, chairperson ng RDC-12, at ni Teresita Socorro Carrasco Ramos, regional director ng National Economic Development-12, ang paglunsad ng 2023-2028 Soccsksargen Development Plan nitong Lunes sa isang cultural center, hindi kalayuan sa South Cotabato provincial capitol, dito sa lungsod.
Sa kanyang mensahe, ipinaliwanag ni Mendoza na ang 2023-2028 Soccsksargen Development Plan ay naglalaman ng mga estratehiyang naglalayong maging matatag ang ekonomiya ng rehiyon at mapanatili ang kapayapaan sa lahat ng mga lugar na sakop nito.
Kabilang sa mga dumalo sa naturang launching program ng 2023-2028 Soccsksargen Development Plan sina South Cotabato Gov. Reynaldo Tamayo at iba pang mga local executives, mga kinatawan ng security sector at iba’t ibang peace advocacy groups, at non-government organizations.
Sa magkahiwalay na pahayag, tiniyak nina Mendoza at Ramos na ang naturang regional development plan ay may kaugnayan sa socioeconomic agenda ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.
- Latest