Pagsuko ng mas maraming terorista sa Mindanao, inaasahan
COTABATO CITY , Philippines — Kumpiyansa ang Malacañang na marami pang terorista sa Central Mindanao ang susuko kasunod ng maayos na pagbabalik sa kani-kanilang pamilya ng mga unang tumiwalag na sa mga grupong naghahasik ng terorismo sa rehiyon.
Dalawang emisaryo ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na sina Special Assistant to the President Antonio Ernesto Lagdameo, Jr. at Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity Carlito Galvez Jr. ang nakipagpulong sa mga opisyal ng pulisya, 6th Infantry Division at Maguindanao del Norte-LGU noong Huwebes at inihayag na nagagalak ang Palasyo sa pagsuko ng mga lokal na terorista sa pagsisikap at pakikipag-usap na rin ng pulisya at militar.
“Mabisa ng mga lokal na reconciliation program ng pulisya sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, Region 12 at ng 6th ID na nagresulta na sa pagsuko ng maraming mga lokal na terorista,” ani Lagdameo sa mga mamamahayag sa Camp Siongco sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte.
Sina Lagdameo at Galvez ay nasa lalawigan noong Huwebes sa utos ng Pangulo na makipag-dayalogo kina Brig. Gen. Allan Nobleza, director ng Bangsamoro Regional Police Office, Major Gen. Alex Rillera ng 6th ID at Maguindanao del Norte Gov. Abdulrauf Macacua hinggil sa mga lokal na programang nagsusulong ng kapayapaan at kaunlaran sa mga komunidad na saklaw ng Mindanao peace process ng Malacañang.
Ayon sa dalawang opisyal, malaki rin ang naitutulong ng mga ahensiya ng BARMM, kabilang na ang tanggapan nina Local Gov’t Minister Naguib Sinarimbo at Labor Minister Muslimin Sema sa pagpapalaganap ng seguridad sa Maguindanao del Norte at Maguindanao del Sur kung saan may natitira pang mga miyembro ng BIFF at Dawlah Islamiya.
Nagkasundo sina Galvez, Lagdameo at Macacua na magtutulungan upang mapalawig pa ang mga lokal ng programang naglalayong mapasuko na ang mga natitira pang mga miyembro ng BIFF at ng Dawlah Islamiya.
Sa tala, nasa 417 miyembro ng mga magkaalyadong Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at Dawlah Islamiya ang nagbalik-loob na sa pamahalaan mula 2019 sa pakiusap ng mga opisyal ng mga unit ng 6th ID ng Philippine Army, PNP-Region 12 at BARMM.
- Latest