21 bahay winasak ng buhawi sa Pampanga
MANILA, Philippines — Umaabot sa 21 kabahayan ang nawasak matapos manalasa ang mapaminsalang buhawi sa dalawang lugar sa Bacolor, Pampanga nitong Huwebes ng gabi.
Sa report ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), dakong alas-6 ng gabi nang maminsala ang malakas na buhawi sa Brgy. San Vicente at Brgy. Cabalantian ng bayang ito.
Dahil dito, tuluyang nasawak ang limang kabahayan habang 16 na iba pa ang nagtamo ng pinsala.
Ilang poste rin ng kuryente ang nabuwal sa kahabaan ng MacArthur highway sa Brgys. San Vicente at Cabalantian gayundin ang mga linya ng komunikasyon dahilan ng brownout sa lugar na tumagal ng limang oras.
Nagulantang na lamang umano ang mga residente sa malakas na ugong at kasunod nito ay ang pamiminsala ng buhawi sa kanilang lugar. Bunga ng insidente ay nagtamo ng pinsala ang St. Joseph Parish Church sa Brgy. Cabalantian.
Nabatid na sa ibinahaging video ng ilang netizens na ipinoste ng mga ito sa social media ay makikita ang mga natumbang puno, nagliparang bubungan ng mga tahanan, pagkabasag ng mga salaming pintuan, mga bintanang nawasak at iba pa.
- Latest