P3.9 milyong puslit na sigarilyo nasabat sa checkpoint
MANILA, Philippines — Umaabot sa mahigit P3.9 milyong halaga ng mga smuggled na sigarilyo ang nasamsam ng mga awtoridad sa isang police checkpoint sa national highway ng Purok Talisay 2, Brgy. Lower Landing, Dumingag, Zamboanga del Sur kamakalawa.
Sa ulat ni P/Major Shellamie Chang, spokesperson ng Police Regional Office (PRO)-9, bandang alas-5:30 ng umaga habang nagsasagawa ng checkpoint ang pinagsanib na mga operatiba ng Dumingag Municipal Police Station (MPS) at 1st Provincial Mobile nang maharang ang isang Mitsubishi Canter sa nasabing lugar.
Nang inspeksiyunin ang behikulo ay dito na bumulaga sa mga awtoridad ang bulto ng mga puslit na sigarilyo kabilang ang kulay pulang master cases ng President na sigarilyo.
Ang nasabing behikulo ay minamaneho ng isang Janisar Jamang Isnani, 34, residente ng Brgy. Talon-Talon, Zamboanga City kasama ang truckman na si Abner Sarangan Abduraham, 34, ng Brgy Sta Catalina, Zamboanga City.
Lumalabas na galing ang behikulo sa Zamboanga City at pagsapit sa lugar ay naharang ng mga awtoridad na may mga kargang kontrabando na pilit itinatago makaraang tabunan pa sa may likuran.
Nabigo naman sina Isnani at Abduraham na makapagpakita ng mga dokumento na legal ang pagbibiyahe nila ng bulto ng mga sigarilyo kaya kinumpiska ito ng mga awtoridad.
Kabilang sa mga nasamsam ay ang 131 master cases ng “President” cigarettes at 177 reams ng kulay pulang President na tinatayang nagkakahalaga lahat ng P3,960,000.
- Latest