Pa-liga ni Governor Tan, pinatigil sa ‘bomb threat’
LUCENA CITY , Philippines - Pansamantalang pinatigil ang pangalawang laro sa opening ng “1st Governor Doktora Helen Tan Basketball Tournament” sa Quezon Convention Center sa Barangay 10 sa Lucena City kamakalawa ng gabi matapos bulabugin sa Social Media ng bomb threat ang nasabing lugar.
Ayon kay PLt. Col. Ruben Ballera Jr., chief of police ng Lucena City, habang nasa kainitan ang laban ng mga koponan ng Sariaya at Infanta sa loob ng Quezon Convention Center dakong alas-7:20 ng gabi ay nakatanggap ng mensahe sa social media ang isang kawani ng Provincial Sports Office na si Mr. Valencia.
Nakasaad sa FB post ng account na [email protected] na -- “Pasasabugin ko ang buong stadium ninyo at papatayin ko kayo lahat diyan kung hindi mag-under 168.5 ang score ng Sariaya at Infanta, pasasabugin ko kayo lahat diyan.”
Mabilis na ipinagbigay-alam naman sa mga otoridad ang mensahe at malumanay na pinalabas ang mga tao sa loob ng convention center saka isinagawa ang paghahanap ng anumang bomba. Nang maklaro na walang pampasabog sa loob ng gym, pinabalik din ang mga tao.
Ipinagpatuloy namang muli ang laro sa pagitan ng mga basketball players mula sa Sariaya at Infanta makaraang matiyak ng mga operatiba ng K9 mula sa Philippine Coast Guard na ligtas ang pinagdarausan ng liga.
Nakikipag-ugnayan na ang Lucena Police at provincial government sa Regional Anti- Cyber Crime Group upang matukoy ang pagkakakilanlan ng nasabing FB account upang mapanagot sa ginawa nitong pananakot.
- Latest