3 ‘persons of interest’ sa bus bombing, natukoy
Koronadal City, Philippines — Tatlong “persons of interest” sa naganap na pambobomba sa isang double-decker bus sa Isulan, Sultan Kudarat kamakalawa ang natukoy ng pulisya.
Sa ulat, sinabi ni Isulan Police chief Lt. Col. Richelu Alucilja na may natukoy na silang tatlong persons-of-interest sa pambobomba sa naturang bus na ikinasugat ng pitong katao.
Nabatid sa isinagawang clearing operations ng pulisya na isa pang bomba na hindi pumutok ang natagpuan sa upper deck ng bus at agad na na-detonate ng mga bomb experts.
Kaugnay sa insidente, bumuo ang pulisya sa Soccsksargen region ng special team ng mga imbestigador para magsagawa ng malalimang imbestigasyon sa bus explosion sa terminal ng Isulan.
Naniniwala ang mga kinauukulan na nagsabwatan ang Dawlah Islamiya at ang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa pambobomba ng isang unit ng Husky Bus Company nitong tanghali ng Lunes.
Inanunsyo nitong Martes ni Brig. Gen. Jimili Macaraeg, director ng Police Regional Office-12, na pito na ang naitalang sugatan sa pagsabog na kinilalang sina John Ruskin Dela Cruz, 15; Jeffrey Dela Cruz, 14; Javiren Batican, 13; Ramsiya Ibad Alilayah, 60; Nur Fatima Deocampong Macaantao, 25; Edgar Cachoco, 56, at ang 57-anyos na si Analia Bagundang.
Ilang local government officials sa mga magkalapit na probinsya ng Maguindanao del Sur at Maguindanao del Norte ang nagpahayag sa mga reporters na may mga ulat sa kanila ang mga residente ng kanya-kanyang bayan na isinagawa ng Dawlah Islamiya at BIFF ang pambobomba ng Husky Bus bilang paghihiganti sa pagkasawi ng 17 na miyembro ng kanilang grupo sa mga serye ng police at military operations mula 2022.
“Agad namang sasampahan ng kaso ang mga salarin kung ganap na silang makikilala ng ating mga imbestigador. Nagtutulungan na ang aming mga intelligence units at ang 6th Infantry Division ng Philippine Army na kilalanin sila,” pahayag ni Macaraeg.
- Latest