2 NPA utas sa engkuwentro!
MANILA, Philippines — Dumanas ng panibagong dagok ang mga rebeldeng New People’s Army (NPA) kasunod ng pagkasawi ng dalawa nitong miyembro sa isang engkuwentro sa isang liblib na lugar sa Basey, Samar, kamakalawa.
Sinabi ni Lt. Col. Israel Galorio, spokesman ng AFP Visayas Command (VISCOM), nakasagupa ng tropa ng 46th Infantry Battalion (IB) ng Philippine Army, ang grupo ng mga armadong rebelde sa Sitio Bagti, Brgy. Mabini, Basey ng nasabing lalawigan.
Ayon kay Galorio, nagsasagawa ng Focused Military Operations (FMO) ang mga sundalo nang kanilang masabat ang armadong grupo na umano’y mga kasapi ng Bugsok Platoon ng Sub Regionl Committee SESAME hanggang sa mauwi sa bakbakan na tumagal ng ilang minuto sanhi upang tumimbuwang ang dalawang rebelde na inabandona ng mga nagsitakas nilang kasamahan.
Narekober ng mga sundalo sa encounter site ang isang M16 rifle, dalawang M653 rifle, tatlong mahaba at tatlong maikling magazine para sa M16 rifle, isang bandolier at isang cellular phone.
Inihayag naman ni AFP VISCOM Chief Lt. Gen. Benedict Arevalo na sa buwan lamang ng Abril ng taong ito ay anim na NPA rebels ang na-neutralisa ng tropang gobyerno, apat dito ay sumuko habang dalawa naman ang napatay sa encounter. Nasa 9 na armas ang nakumpiska ng militar sa nasabing operasyon.
- Latest