BARMM may bagong 2 provincial police office
Cotabato City, Philippines — Pinasinayaan ni National Police Director Gen. Rodolfo Azurin, Jr. nitong Lunes ang mga bagong provincial police office para sa probinsya ng Maguindanao del Sur at Maguindanao del Norte na naitatag nito lang nakalipas na taon.
Isinagawa ang naturang seremonya Lunes ng umaga sa Camp SK Pendatun sa Parang, Maguindanao del Norte kung saan naroroon ang headquarters ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR).
Ang dating Maguindanao, isa sa limang probinsya ng Bangsamoro region, ay nahati sa Maguindanao del Sur at Maguindanao del Norte, batay sa resulta ng plebisitong isinagawa ng Commission on Elections noong September 2022 sa 26 na mga bayan na sakop nito.
Pinagsama ang mga bayan sa 1st congressional district ng dating Maguindanao sa Maguindanao del Norte habang sakop naman ng Maguindanao del Sur ang lahat ng mga bayan sa ikalawang distrito ng dating probinsya.
Katuwang ni Azurin sa paglunsad ng provincial police office sa dalawang bagong probinsya si Police Brig. Gen. Allan Nobleza na siyang director ng PRO-BAR, si Bangsamoro Regional Local Government Minister Naguib Sinarimbo at Army Major Gen. Alex Rillera na namumuno ng 6th Infantry Division.
Itinalaga naman ni Azurin si Col. James Gulmatico at Col. Ruel Sermese bilang police director ng Maguindanao del Norte at Maguindanao del Sur, ayon sa pagkakasunod.
Tumanggap naman si Azurin ng isang Moro Kris mula sa PRO-BAR bilang pasasalamat ng mga opisyal at mga kasapi ng lahat ng units nito sa kanyang pagbisita nitong Lunes sa Camp SK Pendatun.
- Latest