Vendor, binoga ng miyembro ng Batangas task force clearing
BATANGAS, Philippines — Patay ang isang vendor matapos barilin ng miyembro ng Task Force Clearing Operation ng Tanauan City habang isa ang sugatan sa Barangay Poblacion nitong Lunes ng umaga.
Kinilala ng Tanauan City police ang biktimang si Vincent Rubio, 30 single, vendor at residente ng Brgy. Hidalgo, Tanauan City, Batangas.
Pinaghahanap na ng pulisya ang suspek na si Gregorio Mendoza, miyembro ng Task Force Clearing ng Tanauan City government, at residente ng Barangay Altura South, Tanauan City, Batangas.
Sugatan naman si Angelito Nayle, 28, residente ng Barangay Hidalgo, Tanauan City matapos madamay sa insidente na kasalukuyang ginagamot sa CP Reyes Hospital.
Ayon sa report, bandang alas-11:20 ng umaga, nakikipagtalo umano ang lasing na si Rubio sa kanyang ama nang subukan namang awatin ni Mendoza pero hindi naman nakinig sa kanya si Rubio. Dahil doon, umalis na lamang si Mendoza para iwasan ang pagtatalo. Pero bumalik muli si Mendoza at doon na siya sinugod ng itak ni Rubio hanggang sa barilin siya ni Mendoza.
Agad na tumakas si Mendoza samantalang idineklarang dead-on-arrival sa ospital si Rubio dahil sa tinamong mga tama ng bala ng baril.
Nakarekober ng limang basyo at dalawang deformed na bala ng caliber 9mm at isang bolo.
- Latest