Bagging ops sa oil tanker sa Mindoro, inumpisahan
MANILA, Philippines — Inumpisahan na ng Philippine Coast Guard (PCG) at Japanese vessel na Shin Nichi Maru ang tinatawag na “bagging operations” para tapalan at pigilan ang tagas sa lumubog na MT Princess Empress sa Oriental Mindoro.
Ang Shin Nichi Maru, isang Japanese dynamic positioning vessel (DPV) ay gagamit ng isang “remotely operated vehicle” (ROV) o isang underwater roboto para tapalan ang tagas sa tanker.
Nabatid na dumating na sa lalawigan ang mga “specialized bags” mula pa sa United Kingdom para gamitin sa ‘bagging’ o pansamantalang pagsasara ng tagas. Naisakay na ito sa Shin Nichi Maru katuwang ang mga tauhan ng PCG.
Inaasahan naman na ngayong Lunes ay darating pa ang 16 pang customized bags mula sa planta sa Cavite.
Dumating na rin noong nakaraang Martes ang barkong Pacific Valkyrie na kinontrata mula sa Estados Unidos na may dalang ROV at nagsasagawa ng “video at sonar survey” sa motortanker.
Magbibigay ito ng dagdag na datos sa sitwasyon ng barko sa ilalim ng dagat, at magiging basehan sa solusyon na ipatutupad kaugnay ng oil spill management.
Matatandaan na lumubog ang MT Princess Empress noong Pebrero 28 sa karagatang sakop ng Naujan, Oriental Mindoro. Laman nito ang nasa 800,000 litro ng industrial fuel.
- Latest