Mister pinatay ng selosong kapitbahay
CANDELARIA, Quezon, Philippines - Hindi na umabot nang buhay sa ospital ang magsasaka matapos saksakin ng isang factory worker dahil sa hinalang may relasyon ito sa kanyang misis, kamakalawa sa Purok. 3, Brgy. Malabanban Sur sa bayang ito.
Ang biktima na nagtamo ng malalim na saksak sa dibdib ay kinilalang si Allan Dimaunahan, 40, samantalang naaresto naman at nakapiit na sa municipal jail ang suspek na si Christian Cabalquinto, 30.
Ayon sa imbestigasyon nina PSsg.Manolito Vituriano at Junjun Villaflor, alas-10:30 ng gabi ay sakay ng kanyang motorsiklo ang biktima at binabagtas ang kalye patungo sa kanilang bahay nang harangin at pahintuin ng suspek.
Hindi pa man nakakababa sa motorsiklo upang komprontahin ang suspek ay sinalubong na ang biktima ng saksak sa dibdib na agad nitong ikinahandusay.
Tumakas ang suspek, subalit nadakip ng mga otoridad sa follow-up operation at doon ay ikinanta na selos ang naging motibo nito sa pamamaslang sa biktima na kanyang pinaghihinalaang may relasyon sa kanyang misis.
- Latest