Lalaki na ginawang sex slave ang stepdaughter, arestado
MANILA, Philippines — Dinakip ng mga tauhan ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) ang isang lalaki na wanted sa paulit-ulit na panggagahasa sa kaniyang stepdaughter sa isang operasyon sa Laguna kamakalawa.
Kinilala ni NCRPO Director PMGen. Edgar Okubo ang naaresto na si Reynaldo Salvador y Peñaredondo, 51.
Nabatid na si Salvador ay walong taong nagtatago dahil sa kasong limang bilang na rape na walang piyansa at anim na bilang ng sexual assault na nakahain sa Branch 29 ng Libmanan, Camarines Sur Regional Trial Court.
Sa ulat ng NCRPO, dating Executive Officer ng Brgy. Mabini sa Camarines Sur ang suspek na inireklamo ng anak ng kaniyang live-in partner ng paulit-ulit na panggagahasa sa kanya noong 2015.
Nang pormal na masampahan ng kaso sa korte ay nagtago ang suspek na umabot ng walong taon bago siya natunton ng mga alagad ng batas nang magsanib-puwersa ang NCRPO, Camarines Provincial Police Office at Libmanan Municipal Police at dinakip,alas-2:30 ng hapon noong nakaraang Lunes sa may Sitio Yambo, Brgy. Lorenzo, San Pablo, Laguna. Hindi na nakapalag ang suspek nang ihain sa kanya ang mga warrant of arrests sa mga kinakaharap na kaso.
- Latest