3 Chinese, babaeng Vietnamese timbog sa pagdukot at pagpatay sa trader
CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines — Tatlong Chinese at babaeng Vietnamese national ang arestado sa isinagawang follow-up operations ng mga awtoridad kasunod ng pagdukot sa isang negosyante na natagpuang patay sa Tanza, Cavite nitong Miyerkules ng gabi.
Sa isinagawang operasyon ng pinagsanib na puwersa ng Anti-Kidnapping Group(AKG) at Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) na may kasamang back-up mula sa mga awtoridad ng Parañaque, nadakip ang mga suspek nitong Huwebes na nakilalang sina Bei Huimin, 30; Jielong Shen, 26; at Sun Xiao Hui, 26, mga taga-Pasay City at Parañaque City.
Ang tatlong Tsino ay nadakip habang sila ay nagwi-withdraw ng ransom money na idineposito sa kanilang bank account, sa loob ng isang bangko sa Quirino branch, Parañaque City, mula sa pamilya ng kidnap-victim na si Mario Sy Uy.
Nadakip din ng AKG at PAOCC operatives sa follow-up operations sa Uptown Mall sa Bonifacio Global City, Taguig City, ng nasabi ring araw ang kasamahan ng tatlong Tsino na si Hong Puc Lee, 33-anyos, tubong Dinh Cong Thuong, Hoang Mai, Hanao, Vietnam,
Si Lee, isang online seller at Application Development Associate manager ng Accenture sa Uptown Mall, ay nag-withdraw rin umano ng bahagi ng ransom money na P560,000 na naideposito sa BPI bank noong Miyerkules at saka nito idineliver ang pera sa kanyang kaibigan na si Nguyen Ti Ha sa pamamagitan ng Lalamove, ayon sa PAOCC official.
Ang mga nadakip na suspek kasama ang mga narekober na items at ebidensya ay dinala na sa AKG headquarters para sa tamang disposisyon.
Ayon sa pulisya, dinukot ng mga ‘di kilalang kalalakihan ang Filipino-Chinese businessman na si Uy sa Quezon City nitong Marso 18, 2023 sanhi upang humingi ng tulong ang pamilya ng biktima sa AKG.
Ayon kay Tanza Col. Christopher Olazo, Cavite police director, natagpuan ang bangkay ng biktima sa damuhang bahagi ng Saddle and Leisure Park ng Sta. Lucia Realty Development sa Barangay Tres Cruses, Tanza City, Cavite nitong Marso 22 ng gabi. Nadiskubre ang katawan ng biktima ng mga estudyante na may suot lang na pants at nababalutan ng duct tape sa ulo at nakabalot ang bangkay sa isang brown blanket habang nakitaan din ng mga sugat sa kamay at leeg nito.
Sinabi naman ni Chief Inspector Dennis Villanueva, hepe ng Tanza Police, ang biktima ay unang nai-report na kinidnap at nag-match ang description nito sa larawan na dala ng Anti-Kidnapping Unit.
- Latest