Kaso vs 5 ‘gambling aficionados’, ibinasura
LAGUNA, Philippines — Ibinasura ng Prosecutor’s Office sa lalawigang ito ang mga kasong kriminal na inihain laban sa limang hinihinalang gambling aficionados na naging dahilan ng mababang moral ng arresting team ng pulisya dahil sa agarang pagbasura sa kaso.
Isang dokumentong nakuha ng Pilipino Star NGAYON, si Inquest Prosecutor Seralyn Garcia-Mendoza ang nag-utos sa Calauan Police na palayain sa kustodiya ng pulisya ang limang respondent na kinilalang sina Virgilio Manito, Jeffrey Lansigan, Enrique Alegre, Jerome Antiquera at Mikko Monserrat, noong Biyernes.
Ang mga respondent ay unang inaresto ng mga operatiba ng Provincial Special Operation Unit dahil sa paglabag sa Presidential Decree 1602 na kilala bilang illegal gambling habang sila ay nahuli sa akto na nagsusugal na tinatawag na “Baklay and sakla” sa Calauan, Laguna, noong Huwebes.
Isang resolusyon ang inilabas, ang reklamong inihain ng mga operatiba ng PSOU laban sa mga nabanggit ay inirekomendang i-dismiss.
Sa panahon ng inquest proceeding, hindi umano nagsagawa ng waiver ang mga respondent, sa halip, nagsumite sila ng sertipikasyon mula sa Barangay Dayap, Calauan, Laguna sa pamamagitan ng petsa ng resolusyon ng Liga ng mga Barangay noong Oktubre 7, 2022.
Nakasaad sa ordinansa na awtorisado ang mga respondents na magsagawa ng fund raising activity sa anyo ng operasyong “Baklay at sakla”.
Sa kanyang panig, sinabi ni Col. Randy Glenn Silvio, direktor ng pulisya ng Laguna, ang mga operatiba ng pulisya ay nadismaya at na-low morale dahil sa ginawang resolusyon ng inquest prosecutor na agad na itapon ang reklamong kriminal.
Aniya, nakatakdang maghain ng motion of reconsideration ang pulisya ngayong Lunes upang labanan ang pagkaka-dismiss ng kaso laban sa mga respondent.
Ayon naman kay Calauan mayor Osel Caratihan na wala siyang kinalaman sa ordinansa ng Liga ng mga Barangay, kung saan inaprubahan ng barangay executive ang ordinansa.
- Latest