2 utas, 1 pa sugatan sa Maguindanao ambush
COTABATO CITY, Philippines — Patay ang magkapatid na Moro habang isang 5-taong gulang na batang babae ang sugatan matapos tambangan at pagbabarilin kahapon sa Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte.
Ang mga nasawi na kinilalang sina Tato Datupeno at kapatid na si Nelson, ay sakay ng isang itim na minivan nang pagbabarilin ng mga kalalakihang nakaabang sa gilid ng highway sa Crossing Simuay sa Sultan Kudarat.
Ayon kay Lt. Col. Julhamin Asdani, hepe ng Sultan Kudarat Municipal Police, sugatan din sa insidente ang 5-taong gulang na anak ng nasawing si Nelson, na ginagamot na sa isang hospital.
“Inaalam pa ng aming mga imbestigador kung sino ang mga salarin at kung ano ang kanilang motibo sa pag-ambush sa mga biktima,” pahayag ni Asdani.
Naniniwala ang mga barangay officials sa Crossing Simuay, isang mataong lugar, na sangkot sa “rido,” o away ng mga angkan, ang sanhi ng pananambang na ikinasawi ng magkapatid.
- Latest