Pagpasok ng baboy at produktong karne mula Negros, bawal sa Cebu
BACOLOD CITY , Philippines — Pansamantalang ipinagbabawal ang pagpasok ng mga buhay na baboy at iba pang produktong karne mula Negros Island papasok ng Cebu sa loob ng 30 araw.
Ito ay matapos na maglabas si Cebu Governor Gwendolyn Garcia ng executive order, na nagpapatupad ng “temporary ban” sa mga baboy at iba pang karne na epektibo sa loob ng isang buwan simula nitong Marso 4 hanggang Abril 5, 2023.
Ang kautusan ni Garcia ay kasunod sa pagkumpirma ng Bureau of Animal Industry (BAI) Animal Disease Diagnostic and Reference Laboratory na positibo sa African Swine Fever (ASF) ang mga blood samples na kanilang sinuri mula sa mga baboy bilang bahagi ng kanilang ASF surveillance activities, sa Carcar City, Cebu.
Bilang isa sa pinakamalaking pork producing province sa Central Visayas, sinabi ni Garcia na kinokonsidera ng provincial government ng Cebu ang ASF na “very serious concern”, kung saan ito ay nakamamatay at nakahahawang sakit ng domestic at wild pigs na may mortality rate ng 100 percent.
Pinawalang-bisa na ni Garcia ang lahat ng passes na naisyu para sa livestock transport vehicles at reefer vans mula Negros Island, hanggang sa hindi naglalabas ng notice.
Ang ASF virus ay nagiging sanhi ng hemorrhagic fever na may mataas na mortality rates sa mga baboy.
- Latest