Mag-asawa dedo sa salpukan ng van at motor
MANILA, Philippines — Isang mag-asawa ang nasawi makaraang salpukin ng isang kasalubong na van ang kanilang sinasakyang motorsiklo sa Guinobatan, Albay kamakalawa ng gabi.
Ang nasawing mag-asawa ay kinilalang sina Keifer Danzen, 27, at Toni Grace Valencia, 25 anyos; pawang nagtamo ng mga grabeng pinsala sa ulo at katawan.
Nahaharap naman sa kasong reckless imprudence resulting in double homicide and damage to property si Marlon Dela Cruz Velasco, 27, driver ng van nakabangga sa motorsiklo ng mga biktima, at residente ng Lubos, Northern Samar.
Sa report, pasado alas-11 ng gabi habang lulan ng motorsiklo ang mga biktima na minamaneho ng mister at bumabagtas sa kahabaan ng Barangay Banao ng nabanggit na bayan nang maganap ang aksidente.
Pauwi na ang mga biktima nang makasalubong nila ang van na minamaneho ni Velasco sa kabilang direksyon ng kalsada.
Nabatid na matulin ang takbo ng dalawang sasakyan at nagkabulagaan ang mga ito na humantong sa malagim na banggaan.
Sa lakas ng salpukan, tumilapon ng ilang metro ng mag-asawa sa nasabing “head on collision” sanhi ng tinamong matitinding pinsala sa katawan.
Agad na isinugod ng mga nagrespondeng rescuers ng lokal na pamahalaan sa pagamutan ang mag-asawa pero kapwa sila idineklarang dead-on-arrival.
- Latest