'Stable na': 12-anyos napaglaruan baril ng tatay sa eskwela, naputukan sarili
MANILA, Philippines — Ginagamot na sa ospital ang isang 12-anyos na bata matapos mapaglaruan at aksidenteng mapaputok ang baril ng kanyang amang pulis — bagay na naipasok pa sa isang eskwelahan sa San Jose del Monte, Bulacan.
Batay sa ulat na isinumite kay PCol. Relly Arnedo, provincial director ng Bulacan Police Provincial Office, Huwebes ng umaga nang mangyari ang insidente sa loob ng banyo ng naturang paaralan sa Brgy. Muzon.
"[A]t around 05:40 a.m. today, the victim accidentally shot himself following an accidental firing inside the victim’s school comfort room," sabi ng ulat ng Bulacan police kanina.
"Investigation revealed that the issued firearm of his father, who is a police officer currently assigned at Camp BGen Rafael Crame, was suspiciously taken by the victim from their residence in Brgy Muzon, CSJDM and managed to take it inside the school premise."
Lumalabas na napagdiskitahan daw ng bata ang firearm at pumutok nang hindi sadya, dahilan para tamaan ang kanyang baba. Sinasabing lumabas ang bala sa bandang ilong ng biktima.
Agad na dinala ng mga guro ang pasyente sa isang malapit na pagamutan at siya namang inilipat sa Skyline Hospital para sa karagdagang medical intervention.
Una nang kinumpirma ni Plt. Col. Ronaldo Lumactod Jr., hepe ng San Jose del Monte City, Bulacan PNP, sa ABS-CBN News na nasa "stable" na kondisyon na ang paslit.
"A thorough investigation is now being conducted by the San Jose City Police, while the victim is currently receiving medical treatment," sabi pa ng Bulacan Police Provincial Office.
Wala pa naman silang tugon sa Philstar.com kung may mananagot o makakasuhan ba sa naturang insidente.
- Latest