29-anyos pinasok ng kapitbahay, inutas ng balisong
CAVITE, Philippines — Sunud-sunod na saksak ng balisong ang tinamo ng isang 29-anyos na lalaki matapos na pasukin ito sa kaniyang bahay ng kanyang kapitbahay, kamakalawa ng gabi sa Barangay Sampaloc 4, Dasmariñas City.
Ang biktimang hindi na naisalba pa sanhi ng daming tinamong saksak sa katawan ay nakilalang si Mayor Dela Cruz Punongbayan, residente ng Sitio Talisayan Brgy Sampaloc 4, Dasmariñas City.
Arestado naman ang suspek na nakilalang si Eduardo Umali Magallanes 57-anyos ng nasabi ring lugar.
Sa imbestigasyon ng pulisya, alas-7 ng gabi habang nasa loob ng kanyang bahay ang biktima nang biglang pumasok ang suspek na armado ng balisong.
Biglang sinugod nito ang biktima at inundayan ng mga saksak at mabilis na tumakas tangay ang balisong na ginamit.
Ayon sa testigo, nakita umano niya ang suspek na may bitbit na balisong at dire-diretsong pumasok sa bahay ng biktima .
Sa follow-up operation ng mga barangay officials ay naaresto ang suspek na agad dinala sa himpilan ng pulisya .
Inaalam pa ng pulisya ang posibleng motibo sa naganap na pamamaslang.
- Latest