9 mangingisda nilamon ng dagat, pinaghahanap
VIRAC, Catanduanes, Philippines — Siyam sa 10 mangingisda ang pinaghahanap ng binuong search and rescue team matapos na pumalaot at mawala sa gitna ng karagatan dahil sa masungit na panahon sa lalawigan ng Catanduanes.
Kinilala ang mga nawawala na sina Noel Zafe, nasa hustong gulang; Dante David, 41; Arnel Araojo, 43; pawang taga-Brgy. Palnab, Virac, Catanduanes; Domingo Borilla, 33, at Jason Mandasoc, 31; pawang residente ng Brgy. San Vicente ng naturang bayan; Willy Ralf De Leon Uchi, 35; Juanito Torregosa, 51; Ringo Ogale Tupig, 37, at Jobert Gianan Teaño, 33, pawang residente ng Brgy. Buenavista, Viga ng nasabi ring lalawigan.
Sa ulat sa Camp Gen. Simeon Ola, dakong alas-8 ng umaga noong Disyembre 21 lulan ng kulay blue at pink na motorized banca na may marking na “Morning Suns,” pumalaot para mangisda sina Uchi, Torregosa, Tupig at Gianan.
Alas-9 ng umaga, sunod namang pumalaot lulan ng dalawang motorized banca na kulay yellow at maroon sina Zafe, David, Araojo, Borilla, Mandasoc at isang Norman Lim, 33-anyos, residente ng Brgy. San Roque, Virac.
Lahat sila ay inaasahang uuwi noong Disyembre 23, gayunman hanggang kahapon ay hindi na nakabalik ang karamihan ng mga mangingisda maliban kay Lim na natagpuan at nailigtas ng mga residente habang palutang-lutang sa karagatang sakop ng Brgy. Nagcalsot sa islang bayan ng Rapu-Rapu, Albay dakong alas-2 ng hapon, kamakalawa.
Wala pang pahayag mula sa survivor kung anong nangyari sa kanila at nasaan na ang kanyang mga kasamahan. Nasa pangangalaga siya ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO)-Rapu Rapu.
- Latest