Bangka lumubog: 12 katao nasagip
MANILA, Philippines — Labingdalawa katao kabilang ang walong magkakamag-anak ang nasagip matapos na tumaob ang sinasakyan nilang bangkang de motor sa magkakahiwalay na insidente sa karagatan ng Batangas at Northern Samar nitong Biyernes.
Sa ulat ng Batangas Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC), lumubog ang bangkang de motor na sinasakyan ng walong magkakamag-anak sa bahagi ng karagatan ng Batangas nitong Biyernes ng umaga.
Ang magkakaanak na kinabibilangan din ng ilang bata ay galing pa sa Bataan at patungo sa bayan ng Lian, Batangas para dumalo sa Christmas reunion ng kanilang mga pamilya.
Sa report ni Nasugbu Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) Chief Alex Pimentel, hinampas ng malalaking alon ang sinasakyang bangka ng magkakaanak bunsod upang pasukin ito ng tubig hanggang sa lumubog.
Ayon kay Pimentel sa kabila ng ipinalabas na ‘gale warning’ ng Philippine Coast Guard (PCG) ay bumiyahe pa ang magkakamag-anak.
Agad na kumilos at nagsagawa ng rescue operations ang mga residente ng Sitio Iba, Brgy. Payapa, Nasugbu nang makita ang mga biktima na lumulutang na sa dagat matapos ang insidente kung saan nasagip ang mga pasahero.
Sa isa pang insidente, nailigtas ang apat na mangingisda matapos namang tumaob ang sinasakyan nilang bangka sa gitna ng karagatan sa Palapag, Northern Samar.
Base sa inisyal na report ng Eastern Visayas Office of Civil Defense (OCD), unang nasagip ang dalawang mangingisda na residente ng Brgy. Mapno at sumunod ang dalawa pa mula Brgy. Monbon.
Nailigtas ang apat ng mga kapwa nila mangingisda matapos na lumubog ang kanilang bangkang pangisda sanhi ng malalakas na alon na epekto ng “Low Pressure Area”.
- Latest