Higit P200K na puslit na coco lumber, nasabat
MANILA, Philippines — Mahigit sa P200,000 halaga ng mga hindi dokumentadong coco lumber ang nasabat ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) sa isang truck sa Port of Hilongos sa lalawigan ng Leyte kamakailan.
Sa ulat ng PCG, nagsasagawa ng inspeksyon ang Coast Guard K9 team sa mga sasakyan sa naturang pantalan nitong Disyembre 16 nang maging kahina-hinala ang isang container na idineklarang mga “empty bottles” ang laman. Nang buksan ang container, tumambad ang mga coco lumber na may kabuuang halaga na P206,400.
Walang maipakitang dokumento ukol dito ang tsuper at pahinante ng naturang trak. Kinumpiska at inihatid ito ng PCG sa Philippine Coconut Authority (PCA) habang inihahanda ang paghahain ng kaso laban sa mga sangkot na indibidwal.
Nangako naman ang PCG ng patuloy na mahigpit na pagbabantay laban sa iligal na pagbiyahe ng mga hindi dokumentong produkto lalo na sa agrikultura.
- Latest