7 miyembro ng ‘Termite Gang’ timbog
LUCENA CITY, Philippines — Nabulilyaso ang muling pagnanakaw ng kilabot na Termite Gang matapos na maaktuhan ng sikyu ng isang telecommunication company habang tinatangkang ilagay sa closed van ang mga kinulimbat na mga kable na nagresulta sa pagkakadakip ng pitong miyembro ng sindikato, kahapon ng madaling araw sa Barangay 4 sa lungsod na ito.
Kinasuhan ng Robbery at nakapiit na sa lock up jail ang mga suspek na sina Renz Orquia, 19, binata , Jerald Uylingco, 24, binata, Kenneth Guban, 44, binata, Jim Lajato, 42, may-asawa, pawang residente ng Tandang Sora,Quezon City; Gerald Catalan, 37, binata ng Basista, Pangasinan; Ryan Lester Bueno, 22, binata ng Maybunga, Pasig City, at Ariel Najera Jr., 34, may-asawa, driver ng Capalonga, Camarines Norte.
Ayon kay PLt. Col. Erickson Roranes, chief of police dito, bandang ala-1:00 ng madaling araw ay magkakasama ang mga suspek na tinanggal ang takip ng manhole ng isang telco sa Gomez street saka pumasok ang ilan sa kanila.
Sa pag-aakala ng roving security guard ng nasabing Telcos na si SG Joel Aranilla na lehitimo ang ginagawa ng mga suspek ay hindi muna niya ito pinansin.
Gayunman, nang hinihila na ng Isang Fuzo Wing Van truck ang mga pinutol sa pamamagitan ng lagaring bakal na mga copper wire na may habang 10 metro na nagkakahalaga ng P15,000.00 ay agad na tumawag sa himpilan ng pulisya ang sikyu na nagresulta sa mabilis na pagkakadakip ng mga suspek.
Sinabi ni Lt. Col. Roranes na ang mga suspek ang responsable rin sa nakawan ng copper cable wire na nagkakahalaga ng P600,000 sa Barangay 3 noong Nobyembre 29,2022 at positibong mga miyembro ng naturang gang na nag-o-operate sa Calabarzon at National Capital Region.
Modus ng mga suspek na putulin ang mga cable wire na konektado rin sa mga alarma ng mga bangko saka papasukin ang mga ito sa pamamagitan ng paghuhukay. Sari-saring mga kagamitan sa paghuhukay at pagputol ng mga bakal ang narekober buhat sa nasabing closed van.
- Latest