Jeep tinangay ng baha: 8 nalunod
MANILA, Philippines — Patay ang walong katao matapos na malunod nang anurin ng flash flood ang sinasakyan nilang jeep habang tumatawid sa ilog sa Tanay, Rizal kamakalawa ng gabi.
Ang mga biktima ay nakilalang sina Terisita Quinto, Myller Kit Fernandez, Leonida Doroteo, Salvacion Delgado, Carmen Dela Cruz, Esmena Doroteo, Avelino Buera at Deodora Buera.
Sugatan din naman sa insidente at nilalapatan ng lunas sa pagamutan, ang isang ginang, na sinasabing asawa ng driver na nagmamaneho sa naturang jeep.
Lumilitaw sa inisyal na ulat ng Tanay Municipal Police Station na dakong alas-8:15 ng gabi nang maganap ang insidente sa Barangay Sta. Ines sa Tanay.
Ayon kay Tanay, Rizal Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) chief Norberto Francisco Matienzo Jr., bago naganap ang insidente ay umarkila ang mga biktima at iba pang residente ng dalawang jeep upang ihatid sila sa kabayanan, na may dalawang oras ang biyahe mula sa kanilang barangay.
Sinasabing nagtungo ang mga ito sa kabayanan upang kumuha ng ayuda mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at namili na rin ng mga kagamitan.
Nang papauwi na ay bigla na lang nabalahaw ang isang jeep na sinasakyan ng 25 katao, kabilang ang mga biktima sa ilog.
Humingi ng tulong ang driver nito sa kasamahan nilang jeep na tumatawid din sa ilog, upang hilahin sila at makaahon sa pampang.
Kaagad naman umanong hinila ng jeep ang nabalahaw na sasakyan, ngunit nang makaahon ang humihilang jeep, ay bigla umanong dumating ang isang flash flood sanhi upang tangayin ng malakas na agos ng tubig ang hinihila nitong sasakyan.
Mabilis namang rumesponde ang mga residente ngunit tumagilid ang jeep at tinangay ng agos ang mga pasahero na nagresulta sa pagkalunod ng mga biktima.
- Latest