2 wanted na terorista nasakote sa South Cotabato
CAMP SIONGCO, AWANG, DOS, Maguindanao del Norte, Philippines — Nabitag sa kamay ng batas ang dalawang Dawlah Islamiya Socsargen Khatiba Group na wanted sa kasong frustrated murder nitong madaling araw ng Myerkules.
Ito’y matapos ilunsad ang joint law enforcement operation ng militar at pulisya sa Purok 2, Glamang, Polomolok, South Cotabato laban sa target na sina Jerry Pandian, 44-anyos at Yeb Salela, 18-anyos kapwa residente ng nasabing lugar.
Ayon kay Lt. Col. Carlyleo Nagac, commander ng 5th Special Forces Battalion, inihain ng awtoridad ang search at arrest warrants na pirmado ng huwes ng Regional Trial Court, 11th Judicial Region, Branch 63, Polomolok, South Cotabato laban sa dalawang naturang wanted person.
“Nakuha mula sa mga suspek ang isang Pistol Cal. 45 M1911A1, isang magazine ng cal.45, limang bala ng cal. 45, isang 5.56mm single shot pistol, isang bala ng single shot pistol 5.56mm, isang 9 volts battery, isang improvised switches full-type, blasting cap, container, detonation cord, 71 piraso ng enhancer, isang wire initiator at isang wire initiator,” ayon kay Lt. Col. Nagac.
Pinuri ni Joint Task Force Central at 6th Infantry Division commander Major General Roy Galido ang 5SFBn sa matagumpay na pagkakaaresto ng dalawang terorista, at kanilang patuloy na dedikasyon na suportahan ang mga law enforcement operation sa Central at South-Central Mindanao upang tugisin ang mga nagkasala sa batas.
“Keep it up, keep it going. Tulungan natin ang counterpart natin sa PNP sa pagpapatupad ng batas kasama ang Local Government Unit sa South Cotabato para mapanatiling ligtas ang komunidad sa anumang banta,” dagdag ni Galido.
- Latest