2 babae itinumba sa ‘love triangle’
2 gunmen, driver huli sa hot pursuit ops
MANILA, Philippines — Patay ang dalawang babae matapos silang pagbabarilin ng dalawang salarin sa loob ng kanilang boarding house sa Sitio Laluses, Barangay Talisay, Tiaong, Quezon, nitong Martes ng gabi.
Ayon kay Lt. Col. Marlon Cabata–a, hepe ng Tiaong Police, ang mga biktima na sina Jessica Prado Tambado, 28 at kasama nitong si Lanilyn Sanchez Caya, 26 ay nasa loob ng inuupahang bahay nang dumating ang dalawang armadong lalaki at sa hindi malamang dahilan ay pinagbabaril sila ng ilang beses sa bahagi ng kanilang katawan na naging sanhi ng kanilang agarang kamatayan.
Tumakas ang mga armadong suspek sakay ng puting Sedan patungo sa San Pablo City, Laguna matapos ang pag-atake.
Agad na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang mga posibleng saksi sa lugar ng krimen at sinuri ang mga kuha ng CCTV para sa posibleng pagkakakilanlan ng mga suspek at ang kanilang ruta sa paglabas.
“Natukoy namin ang get-away car ng mga suspek, isang puting Toyota Altis na may plakang XKY 347 sa tulong ng mga testigo at pagrepaso sa CCTV footages,” sabi ni Cabata–a.
Sa hot pursuit operation, arestado sa Barangay Kaybagal North, Tagaytay City, Cavite ang mga suspek na sina Danny Cordero De Guzman, 39, driver ng kotse at mga umano’y gunmen na sina Randy Andal Malabanan, 44 at Totie Garcia Laigo, 64, kapwa residente ng Tiaong, Quezon.
Nakuha mula sa mga suspek ang Glock 40 pistol, colt gold model caliber .45 at get-away car.
“Love triangle at selos ang kabilang sa motibo ng pagpatay,” ani Cabata–a.
Ibinunyag umano ng mga kaanak ni Caya na may bawal siyang relasyon sa isang negosyanteng kinilalang si Totie Laigo na nakatira sa Tagaytay City.
“Nagselos si Laigo nang malaman niyang may kasamang ibang lalaki si Caya at nalaman din na milyun-milyong pera at ipinagkatiwalang ari-arian ang ginastos ni Laigo kay Caya,” dagdag ni Cabata–a.
- Latest