Bagong pailaw sa park sa Lucena ‘binaboy’, ipinasara
LUCENA CITY, Philippines — Pansamantalang isinara sa publiko mula kahapon, Nobyembre 28, ang Perez Park sa lungsod na ito matapos babuyin at sirain ng mga pasaway ang mga pailaw na dekorasyon at mga electrical wirings, dalawang araw lang makalipas na isagawa ang switch-on ceremony noong Biyernes ng gabi.
Ayon kay Nesler Almagro, Quezon Provincial Tourism head, ang pagpapasara ng Perez Park na katabi lamang ng Provincial Capitol ay upang bigyang daan ang pagkukumpuni ng mga nasirang mga dekorasyon para sa nalalapit na Kapaskuhan katulad ng Korean inspired garden arc na kinalalagyan ng mahigit 1,000 piraso ng roses na may ilaw na sinasabayan ng magagandang musika.
Hinihinalang ang ilan sa mga pasaway na namasyal sa parke ang sumira sa mga dekorasyon at wirings na itinaon habang dagsa ang mga tao sa pagsaksi sa aktibidad.
“Yung pinaganda mo yung park para makita at maka-experience ng kakaiba ang mga Quezonians pero ganito ang ginawa nila? Hayst! Parang sa love din eh binigay mo na lahat, wawasakin ka pa!” pahayag ni Almagro sa pagkadismaya.
Tinatayang mahigit sa 100,000 katao ang dumagsa sa parke noong Biyernes ng gabi upang saksihan ang seremonya sa pagbubukas ng pailaw o mga Christmas lights sa buong provincial capitol compound na pinangunahan ni Governor Dra. Helen Tan.
Bukod sa pagkasira ng ilang dekorasyong pailaw at electrical wirings, nag-iwan din ng santambak na basura ang mga manonood.
- Latest