Kagawad niratrat sa Barangay Hall sa Bacoor, patay!
Habang kausap ang brgy. secretary
TIMBANG CAVITE, Philippines — Patay ang isang konsehal ng barangay makaraang pagbabarilin ng riding-in-tandem habang kausap nito ang kanilang barangay secretary sa labas ng kanilang barangay hall kamakalawa ng hapon sa Barangay Sineguelasan, Bacoor City.
Tadtad ng tama ng bala sa katawan na agad na ikinamatay ng biktimang nakilalang si Angel Ventura Tamayo, nasa hustong gulang, incumbent kagawad at residente ng Brgy. Sinuguelasan, Bacoor City, Cavite.
Hindi naman nakilala ang dalawang suspek na magkaangkas sa isang motorsiklo na mabilis na tumakas matapos ang pamamaril.
Sa imbestigasyon ni Police Sergeant Eugene De Leon, may hawak ng kaso, dakong alas-5:50 ng hapon habang nasa labas ng Barangay Hall ang biktima kausap ang kanilang barangay secretary na si John Paul Tulayba Grande, 38-anyos, nang isang motorsiklo ang biglang dumating sakay ang dalawang suspek na kapwa na ka-bull cup at face mask.
Nang mapatapat sa biktima, dito na ito pinagbabaril ng mga suspek at saka mabilis na sumibat patakas.
Nagsasagawa na ng dragnet operation ang pulisya para madakip ang mga suspek at sinisiyasat ang posibleng motibo sa pamamaslang.
- Latest