Pinay chef, ibinida ang pagkaing Pinoy sa US Thanksgiving Day
CABANATUAN CITY, Nueva Ecija, Philippines — Ibinida ng isang Pinay at Novo Ecijano chef na may-ari ng isang restoran sa New York, USA, sa isang television morning news show ang inihahandang pagkain ng mga Pilipino sa Amerika tuwing Thanksgiving Day na hindi turkey o pabo ang bida kundi “pork at chicken’.
Sa mga Amerikano, ang pabo ang bituin sa kanilang hapag-Kainan tuwing Thanksgiving Day ng US na ginaganap sa huling Huwebes ng buwan ng Nobyembre.
Pero sa maraming kultura at lahi na naninirahan sa Amerika, ang pabo ay hindi sentro ng handa, katulad na lang sa pagkain na ibinida ni Augelyn Francisco, na tubong Laur, Nueva Ecija at may-ari ng Kabisera Resto na matatagpuan sa Lower East Side.
Naghain siya ng Filipino-style Thanksgiving dishes na crispy pork belly at chicken barbecue sa dalawang host ng programa.
Sa on-the-side, naggayat din ang Pinay chef ng adobo chicken legs na ibinabad sa toyo at tanglad o lemongrass, lumpiang shangai (spring roll), puto-kakanin, na may kasamang mainit na kanin at all-time favorite na pansit.
Inihain ang pagkain sa buffet style at inanyayahan ni chef Francisco ang dalawang host na kumain nang nakakamay lang.
“We all use our hands. We don’t need any cutlery;” sabi ni Francisco sa dalawang hosts na tila napa-wow ng reaksyon.
Naimbitahan si Francisco ng PIX11 Morning News noong Lunes (Lunes ng gabi, Manila time) upang alamin ang iginagayak na pagkain ng mga Pilipino tuwing Thanksgiving Day sa Amerika.
- Latest