Drug dealer arestado sa P1.3 milyong shabu
![Drug dealer arestado sa P1.3 milyong shabu](https://media.philstar.com/photos/2022/11/18/shabu_2022-11-18_22-28-06.jpg)
CAVITE, Philippines — Arestado ang isang hinihinalang drug dealer matapos mag-deliver ng nasa P1.3 milyong halaga ng shabu sa ikinasang buy-bust operation ng pulisya sa Bacoor City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang suspek na si Michael Angelo Ricanor Cecilio alyas “Ducay”, 30-anyos at residente ng Blk. 8, St. Joseph Avenue, Brgy. Pulang Lupa, Las Piñas City.
Sa ulat ng Bacoor City Police, alas-8:30 ng gabi nang isagawa ang drug deal sa pagitan ng suspek at buyer nito sa Badjao St., Brgy. Molino VII.
Bago ang buy-bust, may ilang araw na isinailalim ng pulisya sa surveillance operation ang suspek na kilala umanong dealer ng ilegal na droga sa naturang lungsod at karatig lugar.
Agad na inaresto ng mga pulis ang suspek nang maiabot nito ang droga sa poseur buyer. Nakumpiska sa kanya ang may 200 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P1,360,000 at buy-bust money.
- Latest